Kalye, Sining at Komersyalisasyon
Kapag napapadaan ako sa Katipunan o kahabaan ng Balara hindi ko maiwasang pansinin at paghangaan ang mga grafitti sa mga pader na tinatahak ng magkadugtong na kalyeng ito. isa sa mga paborito ko ay yung mukha ng gorilla na nakapatong sa MMDA art. paborito ko rin ang pink na uuod na tila ba lumalagos sa magkabilang butas. noon pa man alam ko nang politikal ang tema nito.
nakakahanga kasi masasabing simplistiko ang pagkakagawa ng mga graffiti, ngunit malakas ang impak ng sining na ‘to sa politikal na anggulo. nakakahanga dahil isa itong mabisang paraan ng paghahatid ng mensahe ng pagtuligsa. nakakahanga din ang stratehiya ng pag-ayon ng grafitti sa lugar na napili. nakakahanga kasi hindi ito isa sa mga walang kuwentang paglustay ng pintura, hindi tulad ng mga walang kwentang graffiti ng TBS13 at kung anu-ano pang walang kuwentang gang na biktima ng sistema. bagaman hindi ko naman sinasawalang kuwenta ang semyotiko ng mga graffiting ito ng iba’t ibang gang. oo, isa ito marahil sa pagmarka ng kanilang teritoryo. teritoryo ng mga biktima ng sistema na lulong na rin marahil sa droga at nilubog pa ng sistema.
ilang linggo lang ang nakalipas nung lumabas ang isyu ng kule na nagfeature ng mga likha ni Hepe sa kalsada. Si Hepa ang isa sa mga unang nagpinta sa kahabaan ng Katipunan. Ngayon ko lang nalaman kung sino yung pangunahing pintor sa kalsada. Hindi rin nag-iisa si Hepe sa ganitong sining. Sa my Univ Arcade, kung hindi ako nagkakamali, ito yung nasa may lumang pool, sa may pook dagohoy, may mga grafitti dun at may malaking signiture ni Momynick, isa sa mga kasamahan ni Hepe.
Mahilig ako sa graffiti kahit noon pa man, naalala ko nung 1st year highschool kami, napagalitan kami dahil nagsususulat ng kung anu-ano sa upuan at mga pader. bilang parusa, pinapinta samin yung lahat ng upuan sa klase para magmukha daw bago. hindi ko makakalimutan yung suhestyon ni Mam Cabrera (guidance councilor) noon, gamitan daw namin ng spray paint yung mga upuan para madaling pintahan. Naisip ko, ambobo naman ng suhestyon na yun. Sino ba namang bobo ang bibili ng isang kahon na spray paint para pintahan ang humigit kumulang 50 na upuan. Tang ina, ano akala niya samin? Mayaman?
binalak kong kunan ng litrato ang mga graffiti nina Hepe sa loob at labas ng campus ngunit inabot ako ng katamaran. kukunan ko sana ng litrato bilang paghanga at bilang personal na koleksyon na rin. pero nisip ko rin na walang kwenta ang mga litrato na yun kung nakatago lang sa hard drive ko. oo nga naman, walang ibang lugar para sa mga grafitti na yun kundi sa lansangan.
Sa pagsang-ayon sa pahayag niya sa Kule: oo nga, hindi dapat maging komersyalisado at dapat manatiling underground ang sining na ito. Kung hindi, magiging bahagi ito ng gahum ng mga makapangyarihan.
Naalala ko ang kwento ni Rucelle tungkol kay Bins (isang kaibigan sa Anthro). Gustong gusto kasi ni Bins ang kantang Tatsulok na remake ng bandang Bamboo. Aminadong aktibista si Bins at ang pagsali niya sa mga organisasyong aktibista ang patunay nito. Pero tinawanan namin siya tungkol sa pagkakagusto sa Tatsulok partikular sa bersyon ng Bamboo. Hindi nga ba nakakatawa? Bakit mo nga naman magugustuhan ang pagbaboy ng mga kapitalista sa isang kantang tumutuligsa sa kanila? Sa umpisa pa lang, walang karapatan ang Bamboo na ibenta ang kanta. Dapat nanatiling underground at hinding hindi dapat naging mainstream ang kanta sa pamamagitan ng mainstream na banda. Ano nga ba ang iniisip ni Bamboo Manalac? Iniisip ba niya na sa pamamagitan ng pagkanta nila nito ay uusbong ang pagbabago? Na sa pamamagitan ng pagkanta nila nito mas maraming tao ang aaklas? Bakit? may nagbago ba sa sistema? Wala. Nagmahal lang ang gasolina, dumami ang pinatay na mamahayag at lalong nalugmok ang lubong ng Pilipinas. Binenta lang nila ang kanta. Ginawa ang remake para kumita ng pera, matatandaan na ang banda nila ay nasa ilalim ng dambuhalang kapitalistang kumpanya sa musika. at isa pa, bahagi ang Bamboo ng rurok (tuktok) ng tatsulok, ang mismong bahagi ng lipunan na tinutuligsa ng kanta. Sa makatwid, marketing strategy lang ang ginawa nila para bumenta ang banda. Ang pinakamasaklap dito ay dahil nawala ang diwa ng kanta. Wala na, Bamboo… Tang ina, pinatay mo na ang kanta. Naredyus na marahil sa pangkaraniwang rekord ang himig na dapat sana’y sandata ng maralita, neredyus sa isang pangkaraniwang musika para maaliw ang madla. at sa pamamagitan ng pag-aaliw dumadaloy ang malaking bahagi ng gahum ng mga naghaharing-uri. Sa madaling salita, nilamon na ng gahum ang tunay na pagpapakahulugan sa kanta, nawala ang diwa ng aktibismo nito at napalitan ng diwa ng konsyumerismo. Isa na lang marahil na komoditi ang kanta ng buklod (na ngayon ay binaboy ng bandang Bamboo). Ang dating malayang himig ngayon ay protektado na ng copyright law. Ni ang pagkopya ng kanta na ‘to (Tatsulok) sa limewire ay maituturing na ngayon na krimen. ang musikang para sana sa mga nagaaklas at api sa lipunan ay ninakaw na ng mga naghaharing-uri.
Siguro kung Rage Against the Machine ang gagawa ng remake ay ayos lang sakin. Partikular kasi si dela Rocha sa pagbabago ng lipunan na siya namang adhikain ng kanilang mga kanta. Bagaman parehong mainstream ang Bamboo at Rage Against the Machine, malaki ang kanilang pagkakaiba, rebolusyonaryong banda ang huli. Hindi tulad ni Manalac na instrumento ng gahum at alipin ng mga naghaharing-uri, si dela Rocha’y ginagamit ang mismong midyum ng mga naghaharing-uri para supilin sila. Ginagamit ni dela Rocha ang pagkamainstream ng kanilang banda para baguhin ang sistema samantalang si Manalac naman ay ginagamit ng mga makapangyarihan para panatilihin ang estado lipunan (sa pagkakataong ito, kailangan ko pa bang banggitin ang kasalukuyang estado? bakit? bulag ka nga ba? o sadyang mangmang sa palibot mo at wala ka ng ibang ginawa kundi magmake-up at maglustay ng pera sa starbucks samantalang ni walang pamasahe sa jeep na may bagong taripa?).
Marahil, may mga bagay na dapat manatiling underground…